Si Nahar

Ito ay kuwento ng tatlong maliliit na magkakaibigang kabayo.  Isang pagkakaibigang nabuo noong unang panahon, bago pa man nalikha ang kalendaryo.

Bagama’t lumaki sila sa magkakaibang pamayanan ng mga kabayo, naging magkakaibigan ang mga bisirong sila Sheleg, Aish at Nahar.

At sa malamang, magkakaiba sila ng ugali.  Maganda ang buhay ni Sheleg, may kumpletong pamilya, at masasabing ang lahat ng gusto niya ay kanyang nakukuha.  Mayroon din siyang mataas na pangarap para sa sarili niya.  Si Aish naman ay nabuhay ng mapusok, sinusubukan ang lahat ng gusto niyang gawin, takbo dito takbo duon ang ginawa ng bisirong ito, lagi siyang sumusubok ng iba’t ibang bagay, hindi siya tumitigil at hinahayaan na lang niyang dalhin siya ng kaniyang mga paa kahit saan siya makarating.  Habang simple naman ang pamumuhay ni Nahar,  tinatanggap lang niya ng buong kalooban ang lahat ng mga bagay na dumadating sa kanya.  Magkakaiba man ng ugali at pananaw, meron silang isang pinagkakasunduang bagay.  Ang mamasyal sa kabilang ibayo ng gubat na kinalalagyan ng kanilang mga pamayanan.  Sa kabilang ibayo ng gubat ay may malawak na parang, sa gubat kasi nila ay napakarami nang mga kabayo, at hindi na sila nakakatakbo ng malayo at mabilis, at kalimitan kung mag papaalam silang tumakbo sa gubat, ay pinagbabawalan sila ng mga matatanda dahil may mga mangangaso raw doon, na nagunguha ng mga batang kabayo upang gawing transportasyon.

“Sana ganito na lang ang buhay ko habang panahon.”, wika ni Aish.  Wala siyang ibang ninais kundi ang makatuklas ng maraming bagay, at makapunta sa malayong lugar.

“Wala ka bang plano sa buhay mo?…”, tanong ni Sheleg. “Maging isang malakas at matikas na kabayo kaya?, upang maging sasakyan ng isang magiting na kawal…”

“Kung ako ang tatanungin.”, wika naman ni Nahar, ” mas gusto ko ang mabuhay ng malaya, tulad ni Aish, lahat ng nilalang kase ay nilikha upang maging malaya.  Gusto ko ring maging isang malakas na kabayo, yung tipo bang sasakyan ako ng isang pinakamalakas na mandirigma at dadalhin sa isang digmaan.”  At sumang-ayon naman dito ang dalawa niyang kaibigan.

Ngunit isang araw may isang hindi inaasahang pangyayari:  May isang grupo ng mangangaso ang napadpad sa kinalalagyan ng mga magkakaibigang bisiro.  Sinubukan nilang tumakbo, ngunit dahil sa nakasakay sila sa mga malalaki at turuang kabayo, ay madali nilang nahuli ang dalawa sa magkaibigan, sila Sheleg, at Nahar.

Si Aish naman dahil sa likas na mabilis sa pagtakbo, ay madali siyang nakatakas sa mga mangangaso.  At mula sa malayo, ay nakita niya na tinatalian ang kanyang mga matatalik na kaibigan.  Gusto niyang tumulong pero wala naman siyang magawa, alam niyang huhuliin din siya kapag sumunod siya.

Sinubukang pumalag ng dalawang nahuli.  Nagtatalon si Nahar, upang hindi nila magawang talian ang kaibigang si Sheleg, at nang makakuha ng pagkakataon, imbis na tumakbo ay sinubukan niyang iligtas ang kaibigan, pinagsisipa niya ang nagtatali kay Sheleg hanggang sa wala na silang magawa kundi ang pukpukin ng sibat ang kaliwang binti ni Nahar sa likuran.  Nawalan ng lakas si Nahar at tuluyang nawalan ng malay dahil sa pagkakapalong iyon.

Pagkamulat ng mata niya ay mag-isa na lang siyang nakatali sa isang bakuran, ito ay nasa unahan ng isang maliit na bundok, na dinadaanan ng maraming tao.  Kaharap nito ay ang malawak na parang na dati nilang pinagtatakbuhan ng kanyang magkaibigan.  Nasa kabilang ibayo na siya ng malawak na parang na iyon.  Ang mga kaibigan niya ang kaniyang unang naisip.  “Nawa’y nasa mabuti silang kalagayan.”  Ito ang kaniyang sinabi sa sarili.

Nakilala niya ang isa sa mga mangangaso, ito na ngayun ang nagbabantay sa kanya.  Pinapakain siya, at binabantayan, at saka pinapagaling ang sugat na dulot ng pagkakahampas sa kaniya nuong pilit siyang pumipiglas.  “Kailangan mong magpalakas, para mapakinabangan ka naman.”, sabi nito sa kanya.

Dumaan ang ilang mga araw, at gumaling rin ang kanyang paa, dito siya sinimulang kalagan.  At tinuruang lumakad ng tuwid.  Nuong una ay pumipiglas siya, pilit pa rin siyang tumatakas sa lalaking naghahawak ng kanyang tali, sipa dito, sipa duon ang kanyang ginagawa. “Pakawalan niyo akoh!”, ito ang kanyang pilit na sigaw. Ngunit hindi siya naririnig ng taong humahawak sa kanya.

Lumipas ang isa, dalawang buwan, hanggang sa ikatlong buwan ng kanyang pagkakatali, napansin niyang wala rin palang magagawa ang kaniyang pagpiglas, tuwing pinapalakad siya ng bagong nagmamay-ari sa kanya, nagpasya siyang sumunod na lang siya sa mga ipagagawa sa kaniya ng kaniyang amo.  Pinag-aralan na lamang niya kung paano ang lumakad ng matuwid.  Kung paano lumakad, ayon sa gabay ng kanyang amo.

Minsan sa kanyang pagkakatali, nakita niya si Sheleg.  Noo’y hawak na siya ng isang kawal.  Hindi rin siya sinasakyan nito, ngunit siya naman ang nagdadala ng mga armas nila pag giyera.  Noong mga oras na ito, ay mukha nang maayos ang sitwasyon ni Sheleg, matikas na rin ang kaniyang pagkakatayo.

“Buti at naisipan mong sumunod na lang sa iyong amo.”, winika ng kaibigan. “Mabuti nang sumunod sa kanila, hindi naman nila tayo pinababayaan.” umiling iling si Nahar.

“Nasabi mo lang yan, kase, hindi ikaw ang nakatali dito.”  Alam kong pangarap mong maging isang kabayo ng mga kawal.  Hindi mo pa  ito natutupad, naging tagabuhat ka naman nila ng mga armas nila.

“Tama ka. At masasabi kong masaya na ako dito.”, sabay tingin sa mga sibat na nakapatong s akanya., “Hayaan mo, kapag naging malakas ka na, ikaw naman ang gagawin nilang sasakyan.”

“Hindi ko alam”, nawalan na ng pag-asa si Nahar sa ilang buwan na parang wala naman silang planong gawin siyang isang sasakayan, o kahit man lang maging tagabitbit ng armas.

Nagkahiwalay ulit sila nuong oras na iyon.  Ngunit nangako na kapag nagkaroon ng pagkakataon na makalaya ay pareho silang uuwi sa mga tahanan nila.

Mga ilang gabi pa ang lumipas, nag-iisa muli si Nahar na nakatali sa bungad ng bayan, nakatitig sa malawak parang na dati nilang tinatakbuhan, nilang tatlong magkakaibigan… Tinatakbuhan ng buong laya.  Isang gabi ay bigla niyang naaninagan si Aish.  Tumatakbo ito sa parang ng buong ingat, ayaw niyang may makakita sa kanya, dahil ayaw niyang mahuli.

Huminto ito saglit at tumingin sa kanya, tinitigan siya ng kaibigan mula sa malayo.  Naaawa si Aish sa kanyang kaibigan, ngunit hindi niya ito masabi ng malapitan.

Nang makita siya ni Nahar, labis din siyang nalungkot, labis din siyang naawa sa sarili niya.  Kung nag-aral lang tumakbo ng mabilis tulad ni Aish.  Hindi siya mahuhuli ng mga mangangasong iyon.  Kung tumakbo na lang siya nung may pagkakataong tumakas mula sa kanila, at hindi na niya pinilit na iligtas ang kaibigang si Sheleg, e di hindi dapat siya nakatali ngayon.  Doon niya naramdaman ang halaga ng pagiging malaya.

Isang araw, ay may dumating na ilang kalalakihan, at sinimulang kalagan ang kanyang tali.  Biglang dumating ang kanyang amo at nagtanong sa mga lalaking ito,  “Bakit ninyo kinakalagan ang bisiro?”

Isa lang ang naging sagot ng mga ito, “Kailangan ito ng Panginoon.”

Pagkakalag ng mga tali ay inakay nila si Nahar papunta sa paanan ng bundok.  Ipinatong nila ang kanilang mga damit kay Nahar, at pinasakay nila ang isang lalaking tinatawag nilang “Panginoon”.

Noong mga oras na iyon, nagulat si Nahar sa nakita.

Sinimulang purihin ng mga taong taganayon ang lalaking nakasakay sa kanya.

At habang siya ay naglalakad, nakikita niyang inilalatag ng mga tao ang kanilang mga tela sa daan, pumitas din sila ng ilang mga tangkay at inilatag sa kanyang dinadaanan.  Habang kumakanta sila para sa “Tagapagligtas” a tinatawag nila.

Naramdaman niya bigla ang pakiramdam ng isang matikas na kabayong sinasakyan ng isang hari.  Higit pa ito sa pangarap ni Sheleg. 

Nakatali pa rin siya.  Hindi nga siya malaya tulad ni Aish,  Pero naramdaman niya ang kalayaan na maglingkod sa isang Panginoon.

O Zion, magdiwang ka sa kagalakan!
O Jerusalem, ilakas mo ang awitan!
Pagkat dumarating na ang iyong hari
na mapagtagumpay at mapagwagi.
Dumarating siyang may kapakumbabaan,
batang asno ang kanyang sinasakyan.

-Zacarias 9:9

 

 

9 responses to “Si Nahar”

  1. “Nakatali pa rin siya. Hindi nga siya malaya tulad ni Aish, Pero naramdaman niya ang kalayaan na maglingkod sa isang Panginoon.”>>Nagustuhan ko ang mga huling linya na ito. Tunay na hindi sukatan ang katayuan at estado ng isang tao sa paglilingkod sa Panginoon.

    1. ahahaa!!! tama ka dyan.. nortehanon…

      pede namang isang magarang karosa ang sasakyan.. pero pumili sila ng isang bisiro…

  2. Ayun naman pala, medyo nalito lang ako kasi hindi ko alam kung ano ang bisiro sa english. Engliser me kasi.

    Minsan marami tayong kaiinggitan sa ibang tao. Hindi natin alam na ang lahat ng ating pinagdadaanan ay may mas malaki at engrandeng plano!

    Ayos ito! At syempre, habang nagta-type ng comment nakikita ko ang picture ninyong kumakain sa Mang Inasal na hindi ko sinipot! LOL

    1. naisip ko nga .. ala ka ngang picture jan sa likuran… (baka hindi pa gaanung uso ang mga cam phone before.. kaya hindi ganun kadami ung mga pictures nung mga oras na yun!!! hahaha!!!

      malapit na naman ang birthday ko.. pede ka pang bumawi!! 😀

  3. kung ugnay ito sa biblical story ng pagpasok ni hesus sa jerusalem, kung hindi ako nagkakamali, isang donkey or burito ang ginamit.

    pero anu bang pinagsasasabi ko? ang maging malaya ay isang bagay na nais ng lahat subalit hindi rin masama ang maglingkod sa isang panginoong hindi ka ituturing na alipin.

    1. ang totoo tama ka… 🙂 medyo hindi ko na pinagtuunan ng pansin ung teknikal na aspect na yun.. 😀 mehirap mas madaling ma-imagine ang maliit na kabayo kesa sa asno, donkey, chorizo, o burito… (wehehehe…)

  4. Cocomment muna ako mamaya ko na basahin mahaba eh..lels… ayan na ex link na at mahirap na kung ano pa yang or else na yan… nyahahahahahhaha…

  5. Hello Yvarro! Thank you for those lovely comments on my blog the other days 🙂 And thank you so much for adding me to your blog roll! That’s so kind 😀

    1. nah, i really enjoyed reading those your wonderful posts… @halina.. 😀 not to say I really learned a lot!!!! one of these days, maybe I’ll post some of my paintings.. 😀

Leave a comment